Monday, July 25, 2011

Letter...

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at
pagpasensiyahan.

Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng
pinggan o nakatapon
ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong
kagagalitan. Maramdamin
ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing
sinisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko
maintindihan ang sinasabi mo,
huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!"
paki-ulit nalang ang
sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensya ka na, anak.
Matanda na talaga
ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana
akong tulungang
tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong
nag-aaral ka pa lamang
lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging
makulit at
paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan
mo nalang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o
pagsasawaang pakinggan.

Natatandaan mo anak noong bata ka pa? kapag gusto mo
ng lobo,
paulit-ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang
mangungulit hangga't hindi
mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang
kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy
matanda, amoy lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang
katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan,
huwag mo sana akong pandirihan.
Natatandaan mo noong bata ka pa?
pinatyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag
ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit,
dala na marahil ito
ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon,
magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang. Inip na
ako sa bahay,
maghapong nag-iisa. Walang kausap.

Alam kong busy ka sa trabaho,
subalit nais kong malaman mo na sabik
na sabik na akong makakwentuhan ka,
kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento
ko.

Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan
kong pakinggan at
intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa
iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit
at maratay sa banig
ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang
alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako
man ay maihi o madumi sa higaan,
pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling
sandali ng aking buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw,
hawakan mo sana ang aking
kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin
ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang
Diyos na lumikha,
ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ... dahil
naging mapagmahal
ka sa iyong ama't ina...

Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
CWL Spiritual Director
St. Augustine Parish
Baliuag, Bulacan

No comments:

Post a Comment